Matagal na nung huling nagsulat ako sa filipino, at dahil sa huling hurit ko na ito, siyempre gusto ko espesyal kaya ang sariling wika natin ang gagamitin ko. Kaya relaks ka lang diyan at hayaan mo akong magsalita...
Napakabilis. Sobrang bilis talaga. Parang kailan lang noong tumayo ako sa harapan,nagpakilala, nagsabi-sabi ng mga kung ano-anong bagay tapos ngayon ito ako, nagpapaalam na. O huwag kang mag-alala, hindi naman magiging sobrang madamdamin to.
Ano ba ang napala ko sa pagiging presidente ng SAMASKOM? Gusto mo bang malaman ang totoo? Nang dahil sa SAMASKOM, labas pasok ako sa opisina ni Ma’am Virgie. Nang dahil sa SAMASKOM, para akong bata na takbo ng takbo para makapagpapirma ng mga papeles at kung anu-ano pa sa OSAFA. Nang dahil sa SAMASKOM, pahirapan ang pagpapapirma ko ng aking clearance. Nang dahil sa SAMASKOM, sumakit ang ulo ko at bonggang bonggang stress ang napala ko. Pero higit sa lahat, nang dahil sa SAMASKOM, sumaya at nagkasaysay ang buhay ko bilang estudyante. Oo,seryoso ako at walang halong kaplastikan o kung anu man ito.
Gusto mo bang malaman kung bakit? Masaya kasi sa dinami-dami ng tao, ako ang maswerteng nanalo at pinaniwalaan ng tao. Masaya kasi nagkaroon ako ng mga maraming oportunidad na makilahok sa iba't-ibang seminars at conference. Masaya kasi andaming bagay ang aking mga nadiskubre tungkol sa aking sarili sa tulong ng SAMASKOM. Nagkaroon ng saysay ang buhay ko bilang isang estudyante dahil nabigyan ako ng pagkakataon maglingkod sa iba. Hindi lang ako nagpasarap sa buhay kundi naglaan ako ng oras para magbigay serbisyo sa iba.
Hindi naging madali ang aking termino. Iba't-ibang pangyayari ang naganap na sa awa ng Diyos e aking nalampasan. Nalampasan ko ang mga unos sa tulong ng mga tao na umalalay at nagbigay suporta sa akin. Hindi ko na paguukulan pa ng pansin ang mga di kanais-nais na bagay sa halip ay gagamitin ko ang pagkakataon na ito para magpasalamat.
Una sa lahat, sa Poong Maykapal na nagbigay sa akin ng lakas at determinasyon. Alay ko sa kanya lahat ng aking ginagawa at mga bagay na aking nakamit.
Kay Paul Henson,ang katuwang ko sa bawat hakbang ng aking termino, sa tulong niya ay napadali ang aking trabaho at mas naging magaan ang mga bagay-bagay. Salamat sa pagtupad ng iyong tungkulin. Sa suportang iyong ibinigay. At higit sa lahat, sa pagmamahal at dedikasyon mo sa ating organisasyon.
Sa ABMC3 na walang sawa ang pagtulong sa mga aktibidades. Sa walang sawang pagbibigay ng oras at donasyon.
Sa aking mga kapwa masscom,salamat sa tiwala at tulong na inyong ipinagkaluob.
At syempre, kay Maam Virgie na walang kapantay. Sa walang humpay niyang suporta at paggabay. Kung hindi dahil sa kanya,walang SAMASKOM.
Sa mga papalit sa aming mga posisyon, sa pangunguna ni Pau, hangad ko ang inyong tagumpay. Asahan ninyong andito parin ako,handang tumulong.
Mukhang napapahaba na ito at kailangan ng putulin. Marami pa akong nais pasalamatan pero sabi nga nila,ang mga taong dapat pinasasalamatan ay di kinakailangan sabihan sapagkat ramdam na ito ng kanilang mga puso.
Sa dinami-dami at hinaba-haba ng aking nasabi,marami pa ring kulang pero hahayaan ko na itong ganito. May mga pagkakataon na sa sobrang ganda o madamdamin ng iyong bibigkasin e mas mainam ng huwag mo na itong sambitin at hayaan mong ang puso mo ang magsabi.
At sa oras na ito ay iyon na lang ang aking gagawin. MARAMING MARAMING SALAMAT PO SA ISANG MASAYA AT MAKABULUHANG SAMASKOM08-09.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment